Batang ina ka na, Nag-iisa ka pa, Paano na? Paano na?

25 Nov

By Maria Edfrel Haboc

Isa sa karaniwang nagiging resulta ng maagang pagbubuntis ay pagpapalaki sa bata ng mag-isa o ang tinatawag na maging “single parent.”

Normal na sa ating mga Pilipino ang hindi pagpayag ng mga magulang na maipakasal ang kanilang anak na babae sa kasintahan nito lalo pa’t ang mga ito’y wala pa sa tamang edad, o di kaya naman, ang lalaki ay walang sinabi sa buhay –walang maayos na trabaho, hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Sa kabilang dako, isa rin sa dahilan ng pagiging “single mother” ay sapagkat hindi naman mahal ng babae ang lalaki na nakabuntis sa kanya. Na ito ay bunga lamang ng isang malaking pagkakamali. Sa paniniwala sa utos ng simbahan na ang abosryon ay isang malaking kasalanang walang kapatawaran, ang isang minor de edad na babae ay napipilitang ipagpatuloy ang laban ng kanyang buhay. Ipanganak ang sanggol na kanyang dinadala, sa abot ng kanyang makakaya.

Dalawa sa aking mga kaibigan ang “single moms”. Ang isa ay tinulungan at sinuportahan ng kanyang mga magulang, dahil sila naman ay nakaaangat sa buhay at may sariling family business. Itinuring na parang tunay na sariling anak, ang kanilang “apo.” Anong swerte ng batang ito na nakatikim ng maayos na buhay sa piling ng kanyang mga Lolo at Lola.

Taliwas sa maginhawang pamumuhay na ito ang kinalalagyan ngayon ng isa ko namang kaibigan. Siya ay pinalayas sa kanilang bahay at itinakwil ng kanyang pamilya. Ang lalaking nakabuntis sa kanya, ay itinanggi ang kanilang anak sapagkat ito ay kasal sa ibang babae. Wala siyang ibang maasahan kundi ang kanyang sarili lamang at humingi ng tulong sa kanyang malalapit na kaibigan at kamag-anak.

Sapagkat hindi pa nakakatapos ng pag-aaral ay nakitira siya sa kanyang kamag-anak at doon namasukan bilang kasambahay. Mabuhay lamang silang mag-ina at hanggang mairaos ang panganganak ay tiniis niyang lahat ang pagod at hirap. Bukod sa problemang pinansyal ay balot siya ng emosyonal na aspeto ng pamomroblema. Usap-usapan ang nangyari sa kanya sa kanilang komunidad at tinuturing na isang kahihiyan sa kanilang pamilya. Mahusay siya sa klase at isang honor student kaya naman ganoon na lang ang panghihinayang sa kanya ng nakararami.

Ang sabi nga niya sa akin noong nagbubuntis pa lamang siya, kung hindi lang dahil sa kanyang anak ay hindi naman niya gagawin ang lahat ng pagsasakripisyong ito. Parang gusto na raw niyang sumuko. Marami pa siyang pangarap sa buhay na gusto makamtan. Subalit nang maisilang ang kanyang sanggol, ang kaibigan kong ito ay nagbago na ang pananaw sa buhay. Ngayon ay nais niyang mapalaking maayos ang kanyang anak, at iparanas rito ang lahat ng bagay na hindi niya naranasan, hindi na niya halos iniisip ang sarili, bagkus ang anak nito ang laging una sa sa lahat.

Ako ay lubos na humahanga sa pagiging matapang ng mga batang ina na ito. Na sa kabila ng lahat ng pagsubok sa buhay ay pilit na lumaban at nanindigan. Sadyang lahat ng tao ay nakakagawa ng kamalian sa buhay, ngunit nasa iyong mga palad kung papaano mo ito iwawasto at babangon muli sa pagkakalugmok.

Ang sanggol ay biyayang kaloob sa atin ng Maykapal. Planado man o hindi, ay nararapat na bigyan ng pagkakataong isilang sa mundo at palakihin ng maayos. Hindi nila kasalanan na sila ay nabuo, sa hindi sinasadyang pagkakataon, o dapat tawaging isang “malaking pagkakamali.”

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: