Ako At Ang Serye Ng Librong Twilight

6 Jan

By: Eunice Erika Garcia

 

Hindi ako tagahanga ng makakapal na libro. Sa totoo lang, isang tingin ko pa lang sa mga ‘yon ay hindi ko na pinagkakainterasan pang basahin. Ewan ko ba kung ano ang pumasok sa isip ko at naisipan kong simulan ang unang libro ng serye ng Twilight. Siguro dahil sikat iyon noong mga panahong iyon. Usisera lang talaga ako at ayaw kong mapagiwanan sa mga usapan kaya nakiuso na din ako.

Isang kaibigan ang nagpakilala sa akin ng E-book. Ito ‘yung isang buong libro, kahit gaano pa kakapal yan ay maaari mo nang maitago at mabasa sa sariling cell phone. Dahil tamad nga ako, mas gusto ko ito. Una dahil isscroll na lang sa cell phone ang bawat pahina at awtomatiko na nitong ise-save ang pahina kung saan ka huling huminto magbasa. Pangalawa, dahil hindi ko na kailangan pang magdala ng mabigat na libro. Pangatlo, maaari ko na itong basahin, kahit kailan ko man gusto.

Hindi mahirap basahin ang librong Twilight. Ang mga salitang ingles na ginamit ay karaniwan lamang at hindi iyong tipong sobrang lalim na ikadudugo na ng ilong ng mambabasa. Isa ito sa mga hinahanap ko sa isang libro. May isang guro ako dati na nagsabi sa aking, hindi porke malalalim ang salitang ginamit, ay napakaganda na ng pagkakasulat. Ang mahalaga ay ang nilalaman at kung matagumpay bang naiparating ng may-akda ang kanyang mensahe o nais ikwento sa mga mambabasa.

Isa ding dahilan kung bakit marami ang nahumaling sa istoryang ito ay dahil ito ay isang kwento ng pag-ibig. Pag-ibig ang pinakapaboritong paksa ng mga tao saan mang lupalop ng mundo. Dito nga sa ating bansa, ultimo buhay-pag-ibig ng ating Presidente ay pinanghihimasukan ng mga usisero’t usisera.

Karagdagang dahilan kung bakit ito nagiging patok sa mga tao ay dahil hindi karaniwan ang kwento. Ang mga tauhang kasali ay hindi lahat tao. Napakamalikhaing imahinasyon ang makabuo ng pag-iibigan sa pagitan ng tao, bampira, at taong-lobo.

Napakarami nang kwento at haka-haka ang nagkalat sa buong mundo. Ngunit isang misteryo pa ring maituturing kung ang mga ito nga ba’y likhang isip lang ng mga tao o sadyang mayroon ding pinagbabasehang pinagmulan.

Ang serye ng Twilight ay may sagot sa bawat katanungan sa misteryo ng lahi ng bawat tauhan sa kwento.  Mahusay na napagtagpi-tagpi ng may-akda na si Stephenie Meyer ang koneksyon sa mga tauhan at ang mga kaganapan sa bawat buhay nila. Mapaglaro ang mga salitang ginamit sa libro. Detalyado nitong isinasalaysay ang mga damdamin ng mga tauhan. Ako mismo, bilang isang mambabasa ay nadadala sa kanyang kwento.

Nang minsang magkaroon naman ako ng pagkakataong makahiram ng ikatlong libro ng seryeng ito (masyadong mahal para sa akin ang bumili ng librong ito.), hindi ko na talaga binitawan hanggang sa matapos ko na pati ang ikaapat na libro. Tila ako naging isang bampira tulad ni Edward dahil hindi na ako minsan makatulog sa gabi dahil gusto kong matapos agad ang libro at malaman ang mga susunod na pangyayari.

Ito ang unang serye ng makakapal na librong natapos ko sa tanang buhay ko at ipinagmamalaki ko ito. Tila naging rason pa ito para sa aki para maghanap ng susunod pang maaaring mabasa. Kaya ko pala. Nasa isip lang ang katamaran.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: